Hola! Katulad
ng inaasahan, bigo akong makanakaw ng tulog bago ang aming paglipad papunta ng
Europa. Hindi man ako sigurado pero ang alam ko ay puno ako ng sabik at galak
papunta ng Espanya para makiisa sa gaganaping World Youth day 2011 sa Madrid at
makapasyal sa Europa.
Days
in the Diocese. Sa Toledo ang
aming unang nagsilbing tahanan namuhay kasama ng ilang pamilya mula sa
Burguillos; sa mga Garcia, kay Papa Bricio at Mama Anna. Hindi malayo ang klima
nila sa atin bagamat mainit ay malamig ang dampi ng hangin sa bawat pag-ihip
nito mataas man ang tirik ng haring araw at kasing init at lambing nito’y ang
pagtanggap sa amin ng aming mga pamilyang tinuluyan. Hindi sila papaawat sa
pagpapakain sa amin na animo’y fiesta ang bawat araw. Pinoy na pinoy sabi ko
nga. “Basta” na ang ibig sabihin ay “enough” o “sapat na”, ito na yata ang salitang
hindi ko inakalang gagamitin ko sa aking pagparoon sa Espanya. Susuko rin pala
ako sa kainan. Sa bawat lagay ng pagkain, bigkas ko’y “basta”, dumarating kasi
sa puntong hindi ko na kayang ubusin ang hamon, ang patatas at ang bocadillos
(tinapay na kasing haba ng braso ko at minsan matigas minsan malambot depende
sa hain ng iyong pamilya). Nagpatuloy ang unang bahagi ng aming paglalakabay sa
pakikipamuhay sa Toledo, sa mga haing pinagsaluhan: sa paella, sa churroz; sa
mga kanta at mga salitang hindi ko naman talaga lubos maintindihan (nosebleed
kung baga). Paglipas ng mga araw sa Burguiilos, nasabi kong, “totoo pala ang
mga kastilyo!” dahil sa mga tao nitong ituturing kang hari o reynang bigay todo
ang pagtanggap sa iyo.
World
Youth Day. “Ito na ‘to!” pagdating sa Madrid, ito ang mga katagang
unang nabanggit ko. Kailangan na naming makipagsisikan sa mundo sa loob ng
isang lungsod sa Espanya. Mas mahabang lakaran, hindi lang minuto kung hindi
oras ang pakikipagsapalaran sa daan kasabay pa nito ang mas matinding init ni
haring araw, mas nakakapaso. Takbo rito,
takbo roon. Panik panaog sa mga hagdan ng tren. Labas pasok sa mga simbahan at
restaurant (kapag oras ng kainan). Pero hindi pa ito ang highlight ng programa
sa Espanya, sa loob ng ilang araw ay inuupuan namin at nakikinig sa mga
katesismong hatid pa ng ilang mga obispo mula sa iba’t-ibang panig ng mundo at
kaalinsabay nito ay ang pakikipaghabulan upang makita ang Papa Benedito (buti
na lang ay may misa para sa seminarista kasama ang Santo Papa kaya naman nakita
ko siya ng malapitan mula sa aking kinatatayuan). Tinatayang dalawang milyong
kabataan ang nakiisa sa gawaing ito. Puno ang Europa ng mga kabataang nais
magpahayag na sila ay nananatiling naka-ugat kay Kristo. Maraming tao: mga
Espanyol, mga Italyano, mga Amerikano at marami pang iba pero hindi pwedeng
hindi ko makikilala ang mga Pinoy mula sa ibang lahi. Sa kahit anong kanto ng
Madrid, may mga Pinoy kang makakasalubong, ang iba ay delegadong Pinoy mula sa
mga komunidad sa iba’t-ibang panig ng mundo at ang iba nama’y ating mga bagong
bayani, mga OFW. Sa totoo lang, kahit papaano, naging madali ang aming
paglalakbay sa kabilang ibayo sa tulong mga direksyon ng ating mga kababayang
Pinoy na nakabase sa Madrid sa kabilang panig ng mundo.
Pagkalipas ng
ilang linggo sa Europa, may ilan ding maliliit na gamit akong nauwi. Daan-daan ding litrato ang ngayo’y
binabalik-balikan ko. Pero ano nga ba talaga ang pinakaimportanteng aral sa
akin ng aking paglalakbay sa Espanya kasama ng mga kabataan ng mundo?
Ang
hamon ni Kristo at ng Simbahan: tayong
mga kabataan nawa ay hindi manatiling rebulto. Sa sobrang ganda at yaman
ng karanasan ng isang kabataan mula sa Europa, hindi maiiwasang mas naisin
niyang manatili sa ganitong sitwasyon – sa masayang mundo ng Espanya, sa sarap
ng mga pagkain nito at sa ganda ng mga palasyo. Pero mula sa Mt. Tabor
(pinangyarihan ng Transfiguration) kung saan hinahalintulad ko ang aking
karansan, katulad nila Pedro, kailangan nating bumaba at ibahagi si Kristo sa
iba. Ang hamon ni Kristo, ng Simbahan, ng WYD 2011 sa pangunguna ni Papa
Benedito ay nawa’y makita ng bawat kabataan na sila rin ay kabahagi ng misyon ni
Hesus na maipahayag ang payak at ganap na pagmamahal ng Ama. Maraming programa
ang mga lokal na simbahan at maraming paraan para maging lingkod-kabataan ni
Kristo at ng Simbahan. Huwag tayong maging
rebulto, kumilos tayo, kabataan ng mundo. Manatiling naka-ugat kay Kristo!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento