Hindi biglaan ang pagpapakita ni Hesus sa
tao. Maraming nasusulat at naririnig ang tungkol sa Kanya bago pa man Siya
tuluyang nakilala ng tao.
***
Kapag tinatanong ako kung saan ako pupunta
kapag umaga, ang tanging sagot ko ay: “sa St. Scho po.” Siyempre mas malamang sa
hindi ay may follow up question: “teacher ka?”
Ilang buwan na rin akong guro ng mga
pinakabatang Kulasa ngunit hindi ko pa rin lubos maisip o tuluyang matarok ng
aking kamalayan ang aking pagiging guro. Hindi ko pwedeng itangging kahit
papaano ay pasok sa top 10 list ng mga pangarap ko ang pagiging teacher. Pumalo
pa nga yata ito sa top 1 noong naging masugid akong mambabasa ni Bob Ong. Bilib
ako sa tatag ng damdamin at dunong ng aking mga guro o ng kahit sinumang
teacher.
Marami na akong teacher na nakasalamuha: may
teacher na nagbebenta ng mani, may teacher na palaging nakatsinelas at may mga
teacher na palaging nagpapabunot ng uban. Humaba pa ang listahan: may mga
teacher na panalo ang boses sa sigawan, may mga teacher na palaging high blood,
at may mga teacher na kasumpa-sumpa magpa-assignment. Pero hidni lang ito ang
mukha ng mga gurong aking nakilala: may mga teacher na kasing yumi ni Maria
Clara at kasing bait ng maamong prinsesa. Iba’t-iba ang istura nila. Iba’t-iba
ng hulmahan ngunit tangan-tangan ang iisang mithiing makatulong sa iba lalo na
sa mga mag-aaral nila. Sa likod ng iba’t-ibang itsura ni ma’am o ni sir ay ang
pusong tigib ng pagnanasang ang bawat isa sa loob ng kanyang klase ay matuto
maski man lang ng iisang punto sa daan-daang nakahanda. Sa likod ng matapang na
mukha ay ang mga matang nananalig na darating ang araw na maiintindihan natin
ang kanilang mga walang sawang isinusulat sa pisara at walang puknat na pinapaalala.
Sa kabila ng mga ngiti ni ma’am o ni sir, sa
kabila ng mga paulit-ulit niyang pagsasaway at walang kapagod-pagod niyang
pagbubuhat ng libro ay ang pusong walang ibang nais kung hindi tayo ay matuto. BUsilak
ang kanyang puso. Busilak ang kanyang hangarin na sana ang bawat isa’y
magkaroon ng pagkatuto.
Tila sila’y si Juan Bautista, nagpapatag ng
daan sa pagdating ng Tagapagligtas.
Ngayon, ang pinakamalupit na
tanong ay: “Teacher ba ako?”
Guro na ba ako kung araw-araw ay
pumapasok ako sa St. Scho? Guro na ba ako kung kailangan kong humawak ng chalk
at pumilit ng mga bata na tumahimik araw-araw minuminuto? GUro na ba ako kung
kaya kong magtiis ng traffic at lumusong sa baha makapasok lang araw-araw?
Dagdagan pa ang mga ito ng mga lesson plans, mga pagkanta at pagsayaw para sa
mga bata at mga ballpen, lapis at notebook na araw-araw kong kapiling. Or
should I just say: “because my company ID says so!”
Ito ang aking unang taon bilang
teacher, kung ito man din ang maging huli ay mananatili itong malaking bahagi ng
aking pagkatao. Sa bawat oras na igugugol sa mga bata, hindi ko iinisip na
ako’y kanilang guro bagkus kanilang kaibigan na sana’y matulungan silang makita
ang mga posibilidad sa buhay. Sa bawat check sa mga exmas ng mga mga bata ay
check sa aking pagnanais na makatulong at sa bawat maling sagot nila ay dagdag
na pagnanasang sila’y matulungan.
Ang mga guro, teachers o
professors man ay ang mga makabagong Juan Bautista, ang naghahanda ng daraanan
ng Tagapagligtas; sumisigaw para sa pagkatuto ng marami at nagtitiis para sa
ikauunlad ng sangkatauhan.