Miyerkules, Pebrero 29, 2012

You are my Sunshine!



You are my sunshine

My only sunshine

You make me happy

When the skies are grey

You'll never know dear

How much I love you

So please don't take

My sunshine away




Lunes, Pebrero 27, 2012

Juan Bautista!


Hindi biglaan ang pagpapakita ni Hesus sa tao. Maraming nasusulat at naririnig ang tungkol sa Kanya bago pa man Siya tuluyang nakilala ng tao.
***
Kapag tinatanong ako kung saan ako pupunta kapag umaga, ang tanging sagot ko ay: “sa St. Scho po.” Siyempre mas malamang sa hindi ay may follow up question: “teacher ka?”
Ilang buwan na rin akong guro ng mga pinakabatang Kulasa ngunit hindi ko pa rin lubos maisip o tuluyang matarok ng aking kamalayan ang aking pagiging guro. Hindi ko pwedeng itangging kahit papaano ay pasok sa top 10 list ng mga pangarap ko ang pagiging teacher. Pumalo pa nga yata ito sa top 1 noong naging masugid akong mambabasa ni Bob Ong. Bilib ako sa tatag ng damdamin at dunong ng aking mga guro o ng kahit sinumang teacher.
Marami na akong teacher na nakasalamuha: may teacher na nagbebenta ng mani, may teacher na palaging nakatsinelas at may mga teacher na palaging nagpapabunot ng uban. Humaba pa ang listahan: may mga teacher na panalo ang boses sa sigawan, may mga teacher na palaging high blood, at may mga teacher na kasumpa-sumpa magpa-assignment. Pero hidni lang ito ang mukha ng mga gurong aking nakilala: may mga teacher na kasing yumi ni Maria Clara at kasing bait ng maamong prinsesa. Iba’t-iba ang istura nila. Iba’t-iba ng hulmahan ngunit tangan-tangan ang iisang mithiing makatulong sa iba lalo na sa mga mag-aaral nila. Sa likod ng iba’t-ibang itsura ni ma’am o ni sir ay ang pusong tigib ng pagnanasang ang bawat isa sa loob ng kanyang klase ay matuto maski man lang ng iisang punto sa daan-daang nakahanda. Sa likod ng matapang na mukha ay ang mga matang nananalig na darating ang araw na maiintindihan natin ang kanilang mga walang sawang isinusulat sa pisara at walang puknat na pinapaalala.
Sa kabila ng mga ngiti ni ma’am o ni sir, sa kabila ng mga paulit-ulit niyang pagsasaway at walang kapagod-pagod niyang pagbubuhat ng libro ay ang pusong walang ibang nais kung hindi tayo ay matuto. BUsilak ang kanyang puso. Busilak ang kanyang hangarin na sana ang bawat isa’y magkaroon ng pagkatuto.
Tila sila’y si Juan Bautista, nagpapatag ng daan sa pagdating ng Tagapagligtas.
                Ngayon, ang pinakamalupit na tanong ay: “Teacher ba ako?”
                Guro na ba ako kung araw-araw ay pumapasok ako sa St. Scho? Guro na ba ako kung kailangan kong humawak ng chalk at pumilit ng mga bata na tumahimik araw-araw minuminuto? GUro na ba ako kung kaya kong magtiis ng traffic at lumusong sa baha makapasok lang araw-araw? Dagdagan pa ang mga ito ng mga lesson plans, mga pagkanta at pagsayaw para sa mga bata at mga ballpen, lapis at notebook na araw-araw kong kapiling. Or should I just say: “because my company ID says so!”
                Ito ang aking unang taon bilang teacher, kung ito man din ang maging huli ay mananatili itong malaking bahagi ng aking pagkatao. Sa bawat oras na igugugol sa mga bata, hindi ko iinisip na ako’y kanilang guro bagkus kanilang kaibigan na sana’y matulungan silang makita ang mga posibilidad sa buhay. Sa bawat check sa mga exmas ng mga mga bata ay check sa aking pagnanais na makatulong at sa bawat maling sagot nila ay dagdag na pagnanasang sila’y matulungan.
                Ang mga guro, teachers o professors man ay ang mga makabagong Juan Bautista, ang naghahanda ng daraanan ng Tagapagligtas; sumisigaw para sa pagkatuto ng marami at nagtitiis para sa ikauunlad ng sangkatauhan.

OUR MOTHER


Our Mother at Ermita Church, Manila.. during a visit to Fr. Kuya Edric!

WORD


taken at Sta. Cruz Church, Manila - with kuya utoy!

FAITH


Linggo, Pebrero 26, 2012

WYD 2011: Kabataan ng mundo, huwag maging rebulto!






















Hola! Katulad ng inaasahan, bigo akong makanakaw ng tulog bago ang aming paglipad papunta ng Europa. Hindi man ako sigurado pero ang alam ko ay puno ako ng sabik at galak papunta ng Espanya para makiisa sa gaganaping World Youth day 2011 sa Madrid at makapasyal sa Europa.

Days in the Diocese. Sa Toledo ang aming unang nagsilbing tahanan namuhay kasama ng ilang pamilya mula sa Burguillos; sa mga Garcia, kay Papa Bricio at Mama Anna. Hindi malayo ang klima nila sa atin bagamat mainit ay malamig ang dampi ng hangin sa bawat pag-ihip nito mataas man ang tirik ng haring araw at kasing init at lambing nito’y ang pagtanggap sa amin ng aming mga pamilyang tinuluyan. Hindi sila papaawat sa pagpapakain sa amin na animo’y fiesta ang bawat araw. Pinoy na pinoy sabi ko nga. “Basta” na ang ibig sabihin ay “enough” o “sapat na”, ito na yata ang salitang hindi ko inakalang gagamitin ko sa aking pagparoon sa Espanya. Susuko rin pala ako sa kainan. Sa bawat lagay ng pagkain, bigkas ko’y “basta”, dumarating kasi sa puntong hindi ko na kayang ubusin ang hamon, ang patatas at ang bocadillos (tinapay na kasing haba ng braso ko at minsan matigas minsan malambot depende sa hain ng iyong pamilya). Nagpatuloy ang unang bahagi ng aming paglalakabay sa pakikipamuhay sa Toledo, sa mga haing pinagsaluhan: sa paella, sa churroz; sa mga kanta at mga salitang hindi ko naman talaga lubos maintindihan (nosebleed kung baga). Paglipas ng mga araw sa Burguiilos, nasabi kong, “totoo pala ang mga kastilyo!” dahil sa mga tao nitong ituturing kang hari o reynang bigay todo ang pagtanggap sa iyo.

World Youth Day. “Ito na ‘to!” pagdating sa Madrid, ito ang mga katagang unang nabanggit ko. Kailangan na naming makipagsisikan sa mundo sa loob ng isang lungsod sa Espanya. Mas mahabang lakaran, hindi lang minuto kung hindi oras ang pakikipagsapalaran sa daan kasabay pa nito ang mas matinding init ni haring araw, mas nakakapaso.  Takbo rito, takbo roon. Panik panaog sa mga hagdan ng tren. Labas pasok sa mga simbahan at restaurant (kapag oras ng kainan). Pero hindi pa ito ang highlight ng programa sa Espanya, sa loob ng ilang araw ay inuupuan namin at nakikinig sa mga katesismong hatid pa ng ilang mga obispo mula sa iba’t-ibang panig ng mundo at kaalinsabay nito ay ang pakikipaghabulan upang makita ang Papa Benedito (buti na lang ay may misa para sa seminarista kasama ang Santo Papa kaya naman nakita ko siya ng malapitan mula sa aking kinatatayuan). Tinatayang dalawang milyong kabataan ang nakiisa sa gawaing ito. Puno ang Europa ng mga kabataang nais magpahayag na sila ay nananatiling naka-ugat kay Kristo. Maraming tao: mga Espanyol, mga Italyano, mga Amerikano at marami pang iba pero hindi pwedeng hindi ko makikilala ang mga Pinoy mula sa ibang lahi. Sa kahit anong kanto ng Madrid, may mga Pinoy kang makakasalubong, ang iba ay delegadong Pinoy mula sa mga komunidad sa iba’t-ibang panig ng mundo at ang iba nama’y ating mga bagong bayani, mga OFW. Sa totoo lang, kahit papaano, naging madali ang aming paglalakbay sa kabilang ibayo sa tulong mga direksyon ng ating mga kababayang Pinoy na nakabase sa Madrid sa kabilang panig ng mundo.

Pagkalipas ng ilang linggo sa Europa, may ilan ding maliliit na gamit akong nauwi.  Daan-daan ding litrato ang ngayo’y binabalik-balikan ko. Pero ano nga ba talaga ang pinakaimportanteng aral sa akin ng aking paglalakbay sa Espanya kasama ng mga kabataan ng mundo?
Ang hamon ni Kristo at ng Simbahan:  tayong mga kabataan nawa ay hindi manatiling rebulto. Sa sobrang ganda at yaman ng karanasan ng isang kabataan mula sa Europa, hindi maiiwasang mas naisin niyang manatili sa ganitong sitwasyon – sa masayang mundo ng Espanya, sa sarap ng mga pagkain nito at sa ganda ng mga palasyo. Pero mula sa Mt. Tabor (pinangyarihan ng Transfiguration) kung saan hinahalintulad ko ang aking karansan, katulad nila Pedro, kailangan nating bumaba at ibahagi si Kristo sa iba. Ang hamon ni Kristo, ng Simbahan, ng WYD 2011 sa pangunguna ni Papa Benedito ay nawa’y makita ng bawat kabataan na sila rin ay kabahagi ng misyon ni Hesus na maipahayag ang payak at ganap na pagmamahal ng Ama. Maraming programa ang mga lokal na simbahan at maraming paraan para maging lingkod-kabataan ni Kristo at ng Simbahan.  Huwag tayong maging rebulto, kumilos tayo, kabataan ng mundo. Manatiling naka-ugat kay Kristo!

ZACHEO

Ako si CLYDE. 5’4”.


Nang nagsabog ng kakulitan at ligalig sa sandaigdigan, buong lakas at pagkatao ko itong sinalo. At ngayon ay hayaan niyo akong ipasyal ko kayo sa munti, makulay at makulit kong mundo.

Mula pa noong bata ako, hindi lang clyde ang pagkakakilala sa akin ng tao. May tatawag sa akin ng pandak, ng bansot, ng unano, duwende, lamanlupa, engkanto, bonsai, punggok, petite, elf, leprechaun at dwarf. Ngayon ay nauso na rin akong tawaging bulilit sabay kakanta ng: "bulilit bulilit ang liit liit", at hobbit na minsang itinawag sa akin ng Rector.

Hindi pa nakuntento ang mundo sa pagkutya sa akin. Mula preschool hanggang ngayon ay hindi na ako nahihirapang sundin ang salitang “find your height.” Wala ng kaso, alam ko kung saan ko ilalagay ang sarili ko. Dati, tuwing magpapagupit ako, kailangan pang lagyan ng barbero ng bangkuan ang upuan para lang maabot niya ang buhok ko. Tuwing sasakay ako ng jeep, sisigaw si mamang driver ng: “bayad ba yang bata?” Sabay sasabihin ng katabi ko: “bata, bayad ka na daw ba?” August 18, 1997, 12th birthday ko, dahil bumagyo at bumaha sa eskwelahan namin sa Buedia, Makati ay kailangan ko pang pumasan sa kuya ng classmate ko para makatawid sa tubig na kung tutuusin ay lampas tao na sa akin. Hindi na bago ang ganitong mga istorya sa buhay ko. Minsan na rin akong pinagkamalang minor student ng mismong Obispo kong si bishop cortez at nmoong lingo, tinanong ako ni Fr. Larry Abaco: magpapari ka ba? Abot mo ba ang ambo?

Tila nakakatawa ang mga ganitong yugto sa buhay natin pero hindi na nakakztuwa kung palagi ka na lang pinagtatawanan dahil sa mga bagay hindi mo naman inasam. Wala naman sigurong taong nangarap na maging kasingtangkad lang sila ni Gloria Macapagal Arroyo, ni Jose Rizal o ni Carlos P. Romulo. Naging isang malaking balakid sa akin ang aking taas. Tampulan ng tukso. Bida sa asaran ng iba. Pero kung tutuusin sinong mag-aakala na ganito rin ang tangkad ng mga taong nabanggit ko. Kahit na anu pang sabihin nila, nagawa ni GMA na maging pangulo at ilang babae ba ang nabighani sa hilatsa ng mukha at tindig ni Jose Rizal at ilang bansa ba ang nakinig at pumalakpak sa lupit ni Carlos P. Romulo.

Nagiging madali sa ating ikahon ang mga tao dahil sa kung anong itsura at kung anu-ano pang pisikal na kaanyuan nila, pero alam ba natin ang tunay nilang nararamdaman at tunay nilang kakayahan. Alam mo ba? Alam mo ba ang tunay kong kakayahan? Marahil ay hindi dahil hindi naman ikaw ang nasusugatan, dahil hindi naman ikaw ang nahihiya, dahil hindi mo rin naman gugustuhing mapahiya.

Noong mas maliit pa ako at binabagyo ng mga ganitong sitwasyon at tila pinagkaitan ng mundo, dalawa lang ang hiling ko: una, syempre, ang tumangkad ako at pangalawa, ay gusto kong magkaroon ng kuya.

Gusto kong tumangkad. Noong kabataan ko, habang naglalakad ako sa kalye, walang anu-ano’y may sisigaw: “Pandak.” Uulitn ng dalawang ulit: “Pandak. Pandak.” Uulitin ng pangatlo hanggang lahat na ng bata sa paligid ko’y animo’y parang korong walang misyon sa mundo kung hidni ang asarin ako. Hindi ko naman sila kilala ni hindi ko man lang sila mamukhaan. Sikat ang feeling pero pangungutya ang binabato nila sa akin. Pag-uwi sa bahay, mas lalong lumalalim ang sugat mula sa pambabato nila sa akin. Wala naman akong ginagawa sa kanila, ito ang kadalasang drama ko sa mama ko. Ang pamatay kong linya: “hindi ko naman kasalanan kung hidni tumalab sa akin ang 1,6,12 o ang cherifer o ayoko ng star margarine.” Dahil ako ang panganay na anak, ang panganay na pamangkin at apo, wala akong takbuhan kung di ang mama ko. Noong una, sumusugod pa kami kapag OA ang kwento ko para makaganti pero paulit-ulit na lang ang sitwasyon. Kaya patuloy ang bulong ko, “gusto ko ng Kuya.” Sabi ko kung magkakakuya ako, sasamahan niya akong rumesbak. Tipong buong yabang kaming mag-aabang sa kanto para harangin yung batang nang-away sa kin. Kasama ng kuya ko, babalikan namin ang mga sipuning batang walang pakundangang umagaw ng bag ko at inilagay sa mataas na bakod.

Tanong: tumangkad ba ako? Nagkaroon ba ako ng Kuya?

Kahit papaano, mula sa height na 4 feet noong first year high school eh tumangkad naman ako. Pero hindi man lang umabot sa 5’4” na binabargain ko. Pero hindi na pagtangkad ang punto ngayon. Ang aking unang punto, wala sa laki o taas ng isang tao ang kanyang kabuuang kapasidad. Sinong mag-aakalang mababago ni Rizal ang kasaysayan ng Pilipinas. Sinong mag-aakalang ang taong ito na nasa piso ay ang tatalo sa giting ni Andres Bonifacio para maging pambansang bayani, pambansang ehemplo? Hindi man ako kasing talino ng idol kong si Rizal, kahit papaano’y alam kong may laban din ang utak kong makipasabayan pakanan man o pakaliwa man ang pag-inog ng mundo. Sabi nga ni Lolo, “Anumang magaling, kahit na maliit, basta’t malimit ay patungong langit.” Sa isang linya sa pelikula, sabi ng petite na si Joyce Jimenez: “my brain is even bigger than my boobs.” Kung iisipin, matinding palakihan ng paniniwala at palakasan ng loob ang buhay. Hindi sa patangkaran ang laban, kung hindi nasa patapangan. Hindi ko alam kung totoo pero sabi nila takot daw ang elepante sa daga, kung totoo nga, nakakatawa.

Oo, nagkaroon ako ng kuya pero hindi resbak ang solusyong binibigay sa akin tuwing magsusumbong ako. Wala sa plano niyang pasabugin ang bungo ng umaaway sa akin. Ang kanyang bilin, nakakapagod, pero may talab at lalim. Sa mga sitwasyong: “Kuya, may umaaway sa akin!” “Clyde, prudence and patience.” “Kuya, inaaway niya ako ulit!” “Clyde, more prudence and more patience.” “Kuya, tatlong beses, apat na beses, limang beses niya na akong inaaway!” Sa huli, ngingitian niya na lang ako sabay sabi, “makulit ka talaga!” Prudence and patince, pagpapasesya at pagtitimpi. Ang ideya ko sa pagganti ay ang pambubugbog sa mga taong umaaway sa akin. Haharangin ko sila sabay didibdban, babatukan hanggang magmakaawa. Duduruin ko sabay magyayabang, “ano lalaban ka pa?” Ito ang konsepto ko ng pagganti dahil alam kong hindi ko ito kayang gawin. Pero may lalim at talab nga ang pagpapasensya at pagtitimpi. Ang aking pangalawang punto, mahirap magpakabait pero mabuti ang magpakabuti.

Magbalik-tanaw tayo sa kalaliman ng ating mga hinagap at hinuha, may pagkakataon bang hinamak natin ang ilan dahil sa hindi nila kalakihan o katangakaran?

Alalahanin natin kahit si Zacheo ay tinawag ni Kristo.

Makalipas ang maraming pagsikat ng mga araw at pagyao ng buwan, namanhid na ako sa pagkutya ng mundo. Paalala: ang pangalan ko ay hindi pandak, bansot, unano, duwende, o bulilit.

Ako ko si Clyde. 6-footer. Sa mga ayaw sumang-ayon, sa mga natawa, sa mga nagtaas ng kilay, pasalamat kayo sa kuya ko.